Dumaan na ang ilang araw na naging buwan, ilang taon na rin ang lumipas sa akin mula ng pumasok ako sa Unibersidad na pinapasukan ko ngayon. Ilang mga kamag-aral na rin ang nakilala ko at madami sa kanila ay naging bahagi na ng aking buhay na masasabi kong nakatulong naman sa akin.
Maraming araw at linggo ang ginugol ko at ilang daang ulit na rin marahil akong nagpapabalik-balik sa lugar na ito, kung minsa'y napapalingon pa ako sa loob ng simbahan upang pasimpleng sumilip sa loob nito. Marami na rin akong nasaksihang mga pangyayari habang bumabagtas ako sa harap ng simbahang ito.
Kung minsa'y maraming tao habang nakahinto ang isang magarbong kotse na may kumpol ng bulaklak sa unahan habang bihis naman ng puting tela ang loob ng simbahan at may kumpol-kumpol na bulaklak sa altar habang nakatayo ang isang lalaking nakabarong na tila may hinihintay. Kung minsa'y mapapadaan kang malungkot ang lugar habang nakahinto ang isang karo at nababalot ng dalumhati ang paligid. Siksikan naman sa araw ng Linggo ang eksena at hindi magkamayaw ang mga tao sa paglalakad tuwing matatapos ang misa.
Pero kung may mas nakahihigit pa sa aking karanasan sa pang araw-araw kong pagdaan sa lugar na iyon, marahil si Nanang na iyon. Sa inaraw-araw ng pagdaan ko sa lugar na iyon, madalas kong nakikita si Nanang sa iisang pwesto ng simbahan. Sa inaraw-araw ng paghakbang ko sa maliit na gate ng simbahan, sya lagi ang nakikita ko. At sa araw-araw kong paglalakad doon, hindi ko pa yata nakitang nakangiti si Nanang. Si Nanang na laging iniaabang ang kanyang kamay hawak ang isang lalagyan habang umaasang makahahati ng kahit baryang biyaya sa araw na iyon.
Aaminin kong nababaldahan ko minsan ang paghuhulog ng barya sa basyo ng "Slurpee"nya. Aaminin kong kung minsa'y hindi ko s'ya nabibigyan pero hindi ibig sabihin ay hindi ko sya napapansin, hindi pa naman ganoon kalabo ang aking mga mata upang makita kung ilang barya lamang ang nilalaman ng kanyang lalagyan tuwing mapapayuko ako sa tapat ng kanyang kinauupuan.
Matagal na rin si Nanang sa lugar na iyon. Alam kong taon na ang ginugol nya pero hanggang kailan sya mamamalagi sa lugar na iyon? Kung minsa'y sumasagi sa isip ko ang kanyang kalagayan sa buhay, hindi na rin naman bata si Nanang para sa sitwasyon nya ngayon sa buhay. Wala naman akong magawa sa ganang akin lamang kung hindi maghulog ng kakaunting barya sa pag-asang makatulong manlang kahit sa kaunting halaga. Hindi ko man alam ang reaksyon nya sa aking pagtalikod, alam kong makatutulong iyon kahit papaano. Hindi ko malilimutan nung nadinig ko mula sa kanya ang salitang "Maraming Salamat Amang" pagkatapos kong maghulog ng kaunting halaga at makalagpas sa kanya. Sa maliit na halagang binitawan ko noong mga panahong iyon sa kanyang lalagyan, sobrang laking kasiyahan naman ang naramdaman ko noong sandaling iyon. Naiisip ko hindi ang tulong na nagawa ko kundi kung ano ang katayuan ko sa buhay sa mga oras na iyon, naisip ko kung gaano ako kapalad sa aking buhay na makakain ng tatlong beses sa isang araw at mabigyan ng baon araw-araw. Ang magkaroon ng maayos na tahanan at mabigyan ng pagkakataong makapag-aral.
Pero kung minsa'y may mga pagkakataong hindi mo ito makikita sa kanyang madalas na kinaroroonan. Sa ganitong panahon ko naiisip kung bakit wala si Nanang? Marahil ay may sakit o di kaya'y may nararamdaman sa kanyang katawan. Marahil ay hindi kayang bumangon sa kanyang higaan o di kaya'y walang lakas upang maglakad papunta sa simbahan. Maraming posibleng dahilan pero isa lamang ang aking natitiyak, hindi sya makakapamahagi ng kagalakan sa iba sa mga panahong wala sya sa lugar na iyon.
Marahil ay marami na ang nakakikila kay Nanang at nakikita ang kanyang kalagayan katulad ng pagkakakilala ko sa kanya. Marahil ay marami na rin ang nakapaghulog ng maliit na halaga at maramdaman ang malaking pasasalamat ni Nanang. Pero nakakalungkot kung minsan na makita na hindi inaabot ni Nanang sa ilan ang kanyang lalagyanan, para bang napapagod din ang kanyang mga braso sa pagtaas ng baryahan, tila napapagal ang kanyang mga kamay at nawawalan ng lakas upang ilahad ang kanyang baryahan sa lahat.
Mapalad tayo sa ating buhay na mayroon tayo sa mga panahong ito, mapalad ako na hindi ko naranasan ang maupo sa gilid ng simbahan hawak ang basyo ng "slurpee" at maupo ng ilang oras. Sana sa susunod na pagdaan ko doon ay hindi ko na madatnan si Nanang, hindi dahil hindi nya kaya ang kanyang katawan sa kabila ng kanyang kalagayan kundi dahil hindi na nya kailangang maupo pa doon, hindi na nya kailangan ang basyo ng "slurpee" at hindi na nya kailangang maghintay sa walang katiyakan.. Sana balang araw makita ko si Nanang na lumalabas sa pintuan ng simbahan na nakangiti at nasa maayos ng kalagayan.
whew, this one shows how deep a person you are melvs.. imagine having nanang as your topic when you could have chosen many other things to explore di ba? i just hope through this blog, we could make a difference though little in Nanangs life.. may pamilya pa kaya siya?
ReplyDeletethanks po Ma'am!
ReplyDelete