Thursday, August 4, 2011

Somebody Has To Say It: Mga Bituin Sa Langit!

        Lahat ng Tao ay may kani-kaniyang hiling na nais matupad. Mga pangarap na nais maabot at minimithing nais makamtan. Wala yatang taong hindi naniwala noong bata pa sila na ang mga Bituin sa langit ay kayang tuparin ang isang kahilingan ng taong makakakita dito. Nakatutuwa, pero totoo! Totoo kayang kayang tuparin ng bituin ang hiling ng isang tao? Na sa bawat bulalakaw ay isang hiling ang mapagbibigyan sa sino mang pinalad na makakita dito.

        Naranasan ko na ring mag-abang ng bulalakaw sa langit... Naranasan ko na ring umasa sa mga ito noong maliit pa ako... Naaalala ko pa, Hindi na rin ako bata noon ng sinubukan kong tumingala sa langit tuwing didilim upang mag-abang ng bulalakaw at umasang makakahiling kahit sa una at huling pagkakataon lang. Hindi na ako batang musmos noon ng sinubukan ko ang kapalaran namin sa pag-aabang ko ng bulalakaw.

        Matagal na iyon, nagsawa na ako ng kakapanalangin tuwing gabi sa aking kwarto... lagi kong sinasabi noon na sana makakita pa ulit ang nanay. Na sana maipagluto pa nya ako ng ulam dahil hindi talaga masarap ang luto ni tatay. Highschool ako noon, walang gabing hindi ko hiniling sa diyos na sana gumaling pa ang nanay para makita pa nya kami. Walang araw na hindi ko inisip ang nanay dahil mula noong araw na hindi na sya nakakakita... hindi na ganoon kasaya ang buong bahay.

         May mga gabi ding nadidinig ko ang nanay na umiiyak sa kanyang kwarto, marahil ay nagdadasal din at humihiling sa may kapal. Ngunit mas masakit maramdaman ang damdamin ng isang taong alam mong may dinaramdam sa kanyang sarili, mas masakit madinig ang maliliit na tinig ng pag-iyak niya na alam mong mabigat sa kalooban. Alam ko, at natitiyak ko... Humihiling ang nanay nang mga panahong iyon. 

         Nasubukan ko nang Tumingala sa langit... Nasubukan ko nang Umasa... Nasubukan ko nang mag tiyagang tingalain at hintayin ang pagbagsak ng bulalakaw... Ilang beses ko nang Nahiling sa bulalakaw ang aking nais noon pa man. Sinamahan ko pa nga ng pag-iyak yung iba para mas mapansin ako, pero heto... Madilim pa din ang mundo ng nanay hanggang ngayon..  marahil masyadong mabigat ang aking hiling, marahil mas makabubuti noon kung ang hiniling ko na lamang ay sumarap ang luto ng tatay kahit kaunti.

            "Akala ko makikita ko na kayo..." ang nasabi ng nanay noon sa kanyang huling operasyon sa isang sikat na pagamutan sa maynila, totoong hindi kami binigyan ng katiyakan... Pero umasa kami noon... lalo na ang nanay. Yun na yata ang pinaka malungkot na araw noon... Umaasa kami noon, nandoon kami lahat habang tinatanggal ng doktor ang takip sa mata ng nanay... Pero wala rin... Matapos ang ilang operasyon, wala rin...

          Ngayon ay heto.. Masaya kahit papaano, Totoong hindi na nakakakita ang nanay. Pero nakatutuwang makitang nagsusumikap siya para maging normal ang buhay, masaya ako para sa kanya. Wala namang may kagustuhan ng mga nangyari, marahil nagtatanong ako nung una kung bakit nangyari ang mga bagay-bagay pero ngayon... Hindi na! "Sanay na ako" eka nga ng nanay sa mga taong nagtatanong.. Sanay na din kami, marami mang nagbago sa buhay namin.. Sige pa rin!

          Totoong hindi natupad ng mga bituin sa langit ang aking hinihiling... Pero naniniwala ako kahit papaano, nakatulong iyon para magkaroon ako ng pananalig... na kahit sa alam kong hindi naman talaga totoo ang kwento tungkol sa mga bulalakaw.. Umasa pa rin ako, dahil doon nagkaroon kami ng lakas ng loob na magsumikap.. Dahil kung hindi naman aasa ang isang tao, hindi siya magsusumikap sa kanyang buhay.. Hindi naman hahakbang ang isang tao kung hindi naman niya alam kung saan siya tatapak.. Pero para sa amin... Tuloy ang buhay..

          Pero kung totoo mang matutupad ang hiling ng isang tao... Umasa ka.. Hindi ako magdadalawang isip na  tumingala muli sa langit.. At kung may hihilingin man ako sa pagkakataong iyon... "Hihilingin kong Mahulog  na Lamang ang puso mo sa akin!" ;)

           

No comments:

Post a Comment